Wednesday, February 11, 2009

Ang Bagsik ni Angelo

Ika-26 ng Hunyo taong 1997 -- ipinanganak si Angelo Sumiguin-Maclang sa Ospital ng Makati. Walang pagsidlan ang galak na nararamdaman ng mag-asawang Beth at Ato sa pagsilang ng sanggol. Tuwang-tuwa sila. (Malamang, anak nila 'yun eh.)
Samantala, himbing na himbing ako sa papag. Hindi ko man lang namalayan na nagkaroon na pala ako ng nakababatang kapatid. Anim na taong gulang pa lamang ako nu'n pero karapatan ko rin namang malaman na manganganak na ang nanay ko! Buti na lang hindi pa ako marunong magmura nu'ng mga panahong 'yun, kung hindi baka nakapag-amok pa ako nu'n!
Bata pa lamang ako, pangarap ko nang magkaroon ng nakababatang kapatid. Naiinggit ako sa aking mga kababata, tinatawag silang Kuya ng mga kapatid nila. Gusto ko ring matawag na Kuya, feeling ko a dream come true 'yun para sa'kin!
Isang araw, napansin kong malaki ang tiyan ng nanay ko. Kinabahan ako. Hindi ko iyon pinansin hanggang sa lumipas ang mga araw, hindi na lumiit ang kanyang tiyan bagkus lalo pang lumalaki. Confirmed na, preggy si momsy!
Nu'ng inuwi si Angelo sa aming bahay, naghanda ako ng upuan. Para masilayan ko ang kanyang mukha in case na kargahin siya ni Papa nang nakatayo. Pero nawalan ako ng gana dahil naging tampulan siya ng epal naming mga kapitbahay. Kinurot, binuhat, nilamukos nila ang buong katawan ng kapatid. Badtrip ako nu'n pare!
Hanggang sa ipinasok sa bahay si Angelo. Ang kyut niya promise! Pero sabi sa'kin ng tambay sa kanto, lahat ng beybi kyut, 'pag lumaki na sila pangit na. Hindi ako naniniwala dun.
Isa pa, binago ako ni Angelo. Noon, minamahal ko lamang ang sarili ko. Hindi ko binibigyan ng kendi at sorbetes ang aking mga kalaro. Ngayon, isusubo ko na lang, ibibigay ko pa sa kanya.
Akala ko masarap magkaroon ng nakababatang kapatid. Sa una lamang pala. Pinapalo ako ni Mama sa tuwing tatangkain kong buhatin ang aking kapatid. Ewan ko sa kanya! Masama bang buhatin ang kapatid ko? Grabe, para siyang bula na bawal hawakan dahil puputok.
Naging busy ako nung nagkaroon ako ng kapatid. Naging professional brother ako sa kanya. Tanghali ako umuuwi sa bahay at tungkulin konng patulugin si Angelo. Music class ang last subject ko kaya lahat ng pinag-aaralan namin sa klase, ginagawa kong lullaby para patulugin siya. (Paborito ko 'yung Pamulinawen.)
Minsan, nabubugnot ako kapag ayaw matulog ni Angelo. Lalo na kapag kinakatok na ako ng aking mga kalaro para magpunta sa palaruan. Ang gagawin ko, tatakutin ko si Angelo. Sisigaw ako at sasabihin kong may multo sa likuran niya. Yayakap siya sa akin at iiyak. Hihimasin ko ang kanyang likuran hanggang sa tumahan siya. Ilang minuto lang, makakatulog na 'yun tapos makakamtan ko na ang kalayaang aking inaasam.
Sa una, masarap mag-alaga ng kapatid. Ngunit kalaunan hindi ko na nagustuhan ang hinihingi ng tadhana. Nang lumaki si Angelo, nandiri na ako sa kanya! Pinapakyu ko na nga 'yun eh! Perwisyo na siya sa paningin ko!
Not yet convinced? Sige, ililista ko ang mga bagay na kinaiinisan kay Angelo. Heto 'to:

1. Kapag inuutusan ko siyang bumili ng wax sa pinakamalapit na tindahan, sasabihin niya tinatamad daw siya. Pero hindi siya tinatamad humawak ng tako at tirahin ang mga pitsa sa kanto. Sasabihin ko; "Sige, ikaw na lang ang maging kuya ah!" (Sabay walk out.)

2. Kapag may pagkain ako, binibigyan ko siya 'pag humihingi siya. Pero 'pag siya ang may pagkain at ako ang humihingi, hindi niya ako bibigyan. Sasabihin ko, "...binigyan kita dati ah?" Sasabihin niya, "Kailan?" tapos sasagot ako ng "Kahapon. Ng mani." Tapos sasabihin niya, "Kahapon 'yun, hindi ngayon!" (Sabay didilaan niya ako at tatakbo.)

3. Kapag nagkapikunan, papaluin ko siya sa puwet. Pag wala sina Mama, iiyak lang 'yun tapos saka tatahan na lang bigla. Pero 'pag nasa bahay si Mama, gaganti 'yun. (Take note, mas malakas pa kaysa sa palo ko ah.), pagkatapos tatakbo sa likod ng tatay niya (ng tatay pala namin) tapos magtatago siya du'n hanggang sa lalo akong mainis sa kanya. May matching pangangasar pa 'yun tas dila-dila effect.

4. Kapag mayroon akong ginagawa tapos mag-uutos si Mama na bumili ng ulam, ituturo ko siya tapos ituturo niya rin ako. Mag-aaway kami tapos aawatin kami ni Mama. In the end, siya ang talo kasi sa kanya rin iaatang ang tungkulin para bumili ng ulam sa karinderya ni Aling Sista. Pero assuming lang talaga ako dahil sa huli, ako pa rin ang talo dahil bibili lang siya ng ulam para sa kanya at para kay Mama. Ayun, lalabas din ako ng bahay para bumili ng sarili kong ulam! Putik na 'yan!

5. Kapag nagbabawas ako ng sama ng loob sa kubeta, sisilipin niya ako at ipagsisigawan sa mga kapitbahay na "Tumatae si Kuya! Ang baho!!!" Naiimbyerna ako sa kanya at mawawalan ako ng gana, bibilisan ko ang pagtae dahil ilang minuto lang at magtatawag 'yun ng mga kaibigan niya para ipagmalaki ang kuya niyang tumatae. (Nakakainis 'di ba? Hindi man lang niya ako binigyan ng privacy.)

6. Minsan, kapag nagsisimba ako, isinisama ko siya. Pagkatapos namin magsimba, kakain kami sa labas at ipapasyal ko siya sa loob ng SM. Feeling mo okay na? Hindi rin, kasi kapag nasa escalator kami, mangungulangot 'yun tapos ipupunas sa balat ko. Shocking 'di ba? Nakakahiya sa madlang people.

7. Kapag nag-aaway kami, hindi siya umiiyak kapag pinapalo ko siya. Pero 'pag nagkataong dumating sina Mama tapos nahuli kami sa aktong nag-aaway, iiyak 'yun ng sobrang lakas tapos magsusumbong kina Mama. Punyeta! Ang bata-bata pa lang, wais na!

8. Kapag binubuksan niya ang kahon ng kanyang laruan, hindi niya iyon ililigpit at hahayaan na lang na nasa sahig. Ipapaligpit sa akin ni Mama tapos pagagalitan ako dahil hindi raw ako marunong maglinis ng bahay. Kung puwede lang ibigti ang kapatid ko, ginawa ko na.

9. At higit sa lahat, pinapakealaman niya ang mga gamit ko. Sinusulatan niya ng kanyang pangalan at nagdro-drawing sa mga pahina ng notebook ko. Pipilasin niya kapag hindi niya nagustuhan tapos sa huli, lagas-lagas na ang notebooks ko tapos iilang pahina na lang ang natitira. Minsan, susubukan niya pang i-spray sa kanya ang pabango ko tapos kapag pinagpawisan sa paglalaro, babalik sa kuwarto ko tapos mag-i-ispray ulit hanggang sa maubos na lang! Nakakainis.

Iilan lamang iyan sa mga kasalanan sa akin ni Angelo. Naaalala ko pa nung bata ako, kailangan kong magpakalbo dahil lumalala na ang galis ko sa ulo. Pinakalbo ako ni Mama sa takot niyang baka mahawaan si Angelo. Naligaw din ako sa pag-uwi ng minsang hindi ako nasundo ni Mama dahil isinugod sa ospital si Angelo. Buti na lamang at kalbo ako nun kaya madali akong nahanap nina Mama! Ipinagtanong lang nila sa mga tao kung nakakita sila ng kalbong bata at presto! Nahanap nila ako sa flag pole na natutulog.
Ngunit hindi ko pinagsisisihan na nagkaroon ako ng kapatid. Binigyan niyang kulay at saysay ang aking buhay. Pinapatawa niya ako sa panahong hindi ko na kayang ngumiti. Sa ngayon, grade five na siya. Ngunit, pinagtataguan niya pa rin kami sa tuwing sasapit ang oras ng pagpasok sa eskuwela. Pero as usual, nahahanap pa rin namin siya. Kung kinakailangan kong habulin siya, hinahabol ko.
Minsan nag-aalala kami sa kanya nu'ng tinangka niyang maglayas. Pinagalitan siya ni Mama isang gabi dahil hindi siya kumain maghapon. Ayun, dumating ako alas-diyes ng gabi pero wala pa rin si Angelo. Pinahanap sa akin ni Mama. Nakita ko siya sa palaruan. Nagmumuni-muni. Nagninilay-nilay. Isinama ko na pag-uwi. Pero piningot ko muna tapos pinagsabihan.
"Tumatae si Kuya!"
(Putik! Heto na naman siya. Teka, maghuhugas lang ako ah?)
Thanks!

1 comments:

Rcyan said...

Hoy! Ngayon ko lang nabasa 'tong post mo. Haha! Ayos din kayo ng kapatid mo, ano? Kailan ka ba mag-a-update ng blog mo? Isang taon na 'to, ah? XD